FULL TRANSCRIPT: Marcos' SONA 2025

Admin
0

MANILA, Philippines – President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. delivered his fourth State of the Nation Address (SONA) today, July 28, 2025, at the Plenary Hall of the Batasang Pambansa Complex in Quezon City, before an audience of over 2,000 guests.

FULL TRANSCRIPT: Marcos' SONA 2025
President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. delivers his fourth State of the Nation Address (SONA) at Batasan Pambansa in Quezon City.

Known as the "President's Report to the People," the full text and official transcript of his speech is now available on this page.

President Marcos’ 2025 SONA highlighted his administration’s key achievements and ongoing efforts to improve public service, education, and infrastructure. He acknowledged the people’s frustrations and promised faster, more effective governance.

His push for accountability in flood control and anti-corruption efforts was a strong statement.

RELATED SONA STORIES

Marcos' fourth SONA started at 4:06 p.m., the same day the lawmakers opened the first regular session of the 20th Congress.

President Marcos' speech lasted for 1 hour and 11 minutes.

READ: Transcript of President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.'s 4th State of the Nation Address (SONA)

[Delivered at the Batasang Pambansa Complex, Quezon City on July 28, 2025]

Thank you.

Thank you very much.

Allow me to greet the former President, President Gloria Macapagal-Arroyo; Senate President Chiz Escudero and the honorable members of the Senate; House Speaker Ferdinand Martin Romualdez and the honorable members of the House of Representatives; Chief Justice Alexander Gesmundo and the honorable justices of the Supreme Court; His Excellency, the Most Reverend Charles John Brown and the esteemed members of the Diplomatic Corps; Executive Secretary Lucas Bersamin and the members of the Cabinet; First Lady Louise Araneta-Marcos and the members of the Marcos family; other distinguished guests; ladies and gentlemen.

First of all, allow me to congratulate the newly elected and reelected 12 Senators, and 314 District and Party-List Representatives of Congress.

Mga kababayan, magandang hapon po sa inyong lahat.

Makasaysayan ang katatapos na halalan nitong Mayo.

Kaya, pinaparating ko ang aking buong-pusong pagpupugay sa ating mga kababayan - lalo na sa mga kabataang botante.

Sa ating lahat dito: Isantabi na natin ang ating pagkakaiba, at magkasundo na sa tatlong bagay na nagbibigkis sa atin: sa ating pagiging Pilipino, ang ating pagiging makabansa, at ang ating sinumpaang tungkulin sa taumbayan.

Malinaw sa akin ang mensahe ng naging resulta ng halalan.

Bigo at dismayado ang mga tao sa pamahalaan, lalo na sa mga pangunahing serbisyo.

Ang leksyon ay simple: kailangan pa natin mas lalong galingan. Kailangan pa natin mas lalong bilisan.

Kung datos lang ang pag-uusapan, maganda ang ating ekonomiya at tumaas ang kumpiyansa ng mga negosyante. Bumaba ang inflation, at dumami rin ang trabaho.

Ngunit ang lahat ng ito ay palamuti lamang at walang saysay, kung ang ating kababayan naman ay hirap at nabibigatan sa kanilang buhay.

Kaya sa huling tatlong taon ng Administrasyon, ibubuhos pa natin ang lahat-lahat. Hindi lamang upang mapantayan, kundi mahigitan pa ang pagbibigay-ginhawa sa ating mga kababayan.

Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa.

Maayos na hanapbuhay talaga ang mabisang pantiyak laban sa kahirapan at laban sa gutom.

Dumarami ang mga nalilikhang hanapbuhay sa ating bansa ngayon.

Magpupursige ang DOLE, DTI, DSWD, kasama na rin ang DOT, at mga kaugnay na ahensiya, sa paghahanap ng paraan at mga oportunidad para sa natitirang apat na porsiyento ng ating puwersang manggagawa na hanggang ngayon, walang trabaho.

Ipagpapatuloy natin ang pagbibigay ng puhunan sa mas marami pang negosyante para makapagsimula ng maliit na negosyo o microenterprise, sa mababang interest, at walang kolateral. Pati na rin ang kapital at proteksyon para sa mga yamang-isip.

At para sa mga tinataguyod natin mula sa kahirapan, patuloy tayong magbibigay ng libreng training at puhunan para makapagtayo sila ng sariling negosyo.

Hindi tayo titigil hanggang halos dalawa't kalahating milyong maralitang pamilya ang natulungan nating magkaroon ng kanilang sariling maliit na negosyo.

Palalaguin natin ang mga industriya-

Mga pabrika ng sasakyan, hulmahan, at electronics, biotechnology, pharmaceuticals, critical minerals, telang Pinoy, Halal, construction, at mga planta ng kuryente.

Ngunit nana-nawagan pa rin ako sa ating mga negosyante: Mamuhunan kayo sa ating agrikultura.

And my singular resounding message to the international business community is this:
The Philippines is ready. Invest in the Filipino.

Our cavalcade of dependable and hardworking Filipinos, innately skilled, adaptable, and possessed with a heart for service, are here, ready to work and to succeed with you.

Sa mga nagtatanong kung nasaan na ang "bente pesos na bigas":

Ito ang aking tugon.

Napatunayan natin na kaya na natin ang bente pesos sa bawat kilo ng bigas, nang hindi malulugi ang mga magsasaka!

Kamakailan lamang ay matagumpay nating nailunsad ito sa Luzon, Visayas at Mindanao kagaya sa San Juan, Pangasinan, Cavite, Occidental Mindoro, Cebu, Bacolod, Guimaras, Siquijor, at Davao Del Sur.

At dahil sa ilalaan nating isandaan at labintatlong bilyong piso upang palakasin ang mga programa ng DA...

Ilulunsad na natin ito sa buong bansa, sa pamamagitan ng daan-daang KADIWA Stores at Centers sa iba't ibang lokal na pamahalaan.

Binabalaan ko ang mga trader na magtatangkang mag-manipula ng presyo ng palay at bigas, o manloloko ng mga magsasaka. Hahabulin namin kayo, dahil ang ginagawa ninyo ay economic sabotage.

Bilang pangunahing solusyon sa mataas na presyo ng baboy, pinalalakas natin ang ating lokal na produksyon. Namimigay tayo ng mga biik at inahin. Nagpapatayo rin tayo ng mga biosecured facilities.

Upang lubos na pababain ang presyo ng karne, nagsimula nang magbakuna laban sa ASF, at pala-lawigin pa natin ang pagba-bakuna laban dito.

Pinatataas natin ang produksyon ng palay, mais, pinya, saging, mangga, kape, cacao, calamansi, tubo, sibuyas, bawang, at iba pa.

Mula nagsimula ang Administrasyon, mahigit walo at kalahating milyong magsasaka at mangingisda ang nakatanggap ng tulong. Lalo pa nating papaigtingin ang mga programa ng pamahalaan para mas marami pang matutulungan.

Libo-libong kilometro ng farm-to-market roads na ang nagawa, at libo-libong kilometro pa ang papa-sinayaan. Libo-libong ektarya ng lupa ang nalagyan na ng patubig sa buong bansa. At libo-libong ektarya pa ang patutubigan.

Libo-libo ring makinarya at pasilidad ang ating binuksan at pinamigay para sa mga magsasaka at mangingisda. Marami pa tayong ipapatayong Rice Processing System facilities at mga bangkang yari sa fiberglass na ipapamigay.

Lahat ng ito ay sumusuporta sa kanila mula paghahanda, pagpunla, pag-ani, pagbiyahe, hanggang sa pagbenta.

Milyon-milyong Pilipino ang umaasa sa puno ng niyog bilang pangunahing kabuhayan.

Mula ngayong taon, hindi bababa sa labing-limang milyong hybrid at mataas na klaseng mga binhi ng niyog ang ating itatanim sa iba't ibang panig ng bansa! At itutuloy natin ito hanggang isandaang milyong puno ng niyog ang ating maitatanim sa buong Pilipinas.

At upang lubos na pasiglahin ang industriya ng niyog, hihilingin natin sa Kongreso na amyendahan ang Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act, para maging mas angkop sa mga pangangailangan ng mga magsasaka.

Bahagi lamang ito ng ginagawa nating malawakang pagpa-palakas ng iba't iba pa nating industriya, kasama dito ang industriya ng asin, pagproseso at pag-export ng niyog.

Sa tulong ng DOST, ginagamit natin ang mga magagandang dulot ng agham, tulad ng mga nadiskubre at nagawa ng ating mga siyentipiko at imbentor. Pati na rin mga modernong pamamaraan, tulad ng mga bagong binhi, pataba, makinarya, at istratehiya gaya ng inter-cropping at off-season techniques.

Naghihintay din sa ating kabataan ang mga kurso, programa, at mga scholarships sa larangan ng agrikultura upang ito ang kanilang gawing hanapbuhay balang araw, at mai-pagpatuloy ang marangal na kabuhayan ng kanilang mga magulang.

At para sa susunod na salinlahi ng mga magsasaka, tiyak na magiging kanila na nang tuluyan ang lupang sinasaka nila. Kasalukuyang pinapabilis ng DAR ang pamamahagi ng mga CLOA at mga E-Titles. Pati na ang mga COCROM, bilang patunay na wala nang utang ang benepisyaryo ng agrarian reform....

Bagaman dumarami ang ating mga planta ng kuryente sa buong bansa. Lalo na ang mga bagong teknolohiya at malinis na enerhiya, tulad ng solar, windmills, at natural gas...

Bagaman kilalang-kilala pa tayo sa buong mundo dahil sa pagpapahalaga natin sa renewable energy...

Naririyan pa rin ang mga problema sa enerhiya na damang-dama ng bawat Pilipino, kagaya ng:

Tatlong milyong kabahayan na wala pa ring kuryente;

Palagiang brownout;

At ang mataas na presyo ng kuryente.

Kaya, binibilisan nating mabigyan ng koneksyon at pinapalakas pa lalo ang kakayahan nating gumawa ng kuryente.

Pagpasok ng Administrasyong ito, mahigit limang milyon ang mga bahay na wala pang kuryente. Sa loob ng tatlong taon, dalawa at kalahating milyong kabahayan ang nakabitan na natin ng kuryente.

Sa susunod na tatlong taon, halos dalawandaang planta ang ating tatapusin. Ito ay may kakayahang magpa-ilaw sa apat na milyong kabahayan, o sa mahigit dalawang libong pabrika, o sa halos pitong libong tanggapan at negosyo.

Hahabulin at tutuparin ng DOE at NEA (NE-YA) ang nakatakdang dami ng mga kabahayang makakabitan ng kuryente ngayong taon hanggang 2028. Lalo na sa Quezon, Camarines Norte, Palawan, Masbate, Samar, Negros Occidental, at Zamboanga del Sur.

At sa pagtatapos ng 2028, dagdag na mahigit isang milyong kabahayan pa ang magkakaroon na rin ng kuryente, sa pamamagitan ng solar power home system.

Para lalo pang makatipid ang ating mga kababayan at ma-ipagbili ang anumang sobrang kuryente nila, isusulong ng DOE ang Net Metering Program, at pabibilisin din ng ERC ang proseso ng pag-apruba dito.

Habang inaayos natin ang kumplikado nating sistema ng enerhiya sa bansa upang mai-pababa ang presyo, pinapalawig pa natin ang Lifeline Rate. Bukod sa mga miyembro ng 4Ps, kasama na rin ngayon ang mga pamilyang nasa Listahanan na maliit lamang ang kinikita, at ang konsumo ay hindi lagpas sa "lifeline rate".

Hindi ko palalampasin ang nangyari kamakailan sa Siquijor.

Dahil sa malawakang brownout, napilitan pang magdeklara ng state of calamity sa lalawigan. Pinerwisyo nito ang mga taga-roon, ang kanilang turismo, mga negosyo, ospital, at sari-saring serbisyo.

Sa ginawa nating imbestigasyon, ano ang ating natuklasan?

Mga expired na permits.

Mga sirang generators, na halatang napabayaan, kaya sunod-sunod na bumibigay.

Mabagal na aksyon, at kawalan ng maayos na sistema sa pagbili ng krudo at mga piyesa.

Ipinag-utos ko sa DOE, NEA, at ERC na pabalikin sa normal ang serbisyo ng kuryente sa Siquijor bago matapos ang taon. Titiyakin namin na maitatatag agad ang mga pasilidad para sa pangmatagalang lunas sa kanilang problema sa kuryente.

Hindi na dapat itong maulit muli.

Iimbestigahan ang naging kapabayaan dito, at ang iba pang mga katulad na kaso sa buong bansa. Dapat nilang ayusin ang pamamahala ng mga kumpanya ng kuryente, at ipag-utos ang pag-refund kung kinakailangan.

Tulad ng pagkain, nakasalalay ang buhay natin sa tubig.

Marami tayong mga malalaking proyektong nakalatag para sa bultuhang supply ng malinis na tubig sa buong bansa.

Meron din tayong mga makabagong sistema upang salain ang tubig at gawin itong malinis na inumin, lalo na para doon sa mga taga-isla.

Gayumpaman, marami kaming natatanggap na reklamo na hindi man lang daw umaabot ang tubig sa kanilang mga gripo. Sa lawak ng reklamo, lampas anim na milyong konsyumer sa buong bansa ang kasalukuyang naapektuhan.

Nakita ko na ang report.

Kaya't ginagawa na ng LWUA ang mga mabisang hakbang laban sa palpak na serbisyo ng mga water districts at kanilang mga joint venture partners. Tityakin ng LWUA na mailalagay na sa ayos ang serbisyo ng tubig ng milyon-milyong ating kababayan at gawing mas abot-kaya rin ang presyo.

Higit sa lahat, titiyakin nating mapapanagot ang mga nagpabaya at nagkulang sa mahalagang serbisyong-publiko na ito.

Malinaw sa atin ang tumambad na realidad tungkol sa ating mga kabataan ngayon—

Ang kakulangan sa kaalaman at kakayahan, lalo na sa matematika, sa agham, sa pagbabasa, at sa wastong pag-unawa.

Ang mga nagda-drop-out at mga hindi nakakapagtapos ng junior at senior high school.

Ang kalahating milyong bata na nagbabanat ng buto.

Kung tayo ay nagpupundar ng malaki para sa imprastraktura, mas malaki pa ang pinupundar natin para sa ating mamamayan. Ito ang pangunahing polisiya natin hanggang matapos ang Administrasyon.

Puspusan nating inaayos at pinapaganda ang ating sistema ng edukasyon. Sa lahat ng mga pinahahalagahan ng Administrasyon, ito pa rin ang nasa rurok.

Ngayong taon, sinimulan na natin ang Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL Program, at pinalalakas din ang Early Childhood Care and Development - na hango sa dalawang mahahalagang batas na ipinasa ninyo rito sa Kongreso.

Maraming mag-aaral ang nakakaranas ng bullying o kaya'y depresyon. Binabantayan natin ang mental health ng ating kabataan. Magdadagdag tayo ng mga school counsellors na magsisilbing sanggunian at gabay nila.

Naglaan tayo ng isang bilyon para makapagtayo ng mahigit tatlong daang Barangay Child Development Centers at "Bulilit Centers" sa buong bansa. Lalo na sa mga higit na nangangailangang pook. At pauna lamang 'yan. Unti-unti nating tutugunan ang matinding kakulangan sa daycare centers na nabinbin mula pa noong 1990.

Pinaspasan na natin ang pagpapabakuna ng mga bata. Sa DOH: kumpletuhin na natin ang bakuna para matapos na sa lalong madaling panahon!

Sa ilalim naman ng bagong lunsad na YAKAP Caravan, matitingnan na ang kundisyon ng kalusugan, hindi lang ng mga mag-aaral, kundi pati na ng mga guro. Mabibigyan sila ng libreng medical check-up, libreng lab test tulad ng cancer screening, at libreng mga gamot.

Sa tatlong taon, halos dalawampu't dalawang libong silid-aralan ang nabuksan na.

Hihigitan pa natin ito, dahil talagang nakakaawa na ang ating mga mag-aaral. Hindi na dapat nabibitin ang oras nila sa klase dahil sa kakulangan sa classroom.

Katuwang ng pribadong sektor, sisikapin nating madagdagan pa ng apatnapung libong silid-aralan bago matapos ang ating Administrasyon.

Maglalaan tayo ng sapat na pondo para rito. Alang-alang sa ating mga mag-aaral, hihilingin ko ang buong suporta ng ating Kongreso.

Naging matagumpay ang mga isinagawang tutoring at remedial programs para sa mga mag-aaral nitong nakalipas na taon at nitong summer break. Palalawakin pa natin ito.

Maraming salamat sa mga guro, at lalo na sa mga Ate at Kuya na nag-volunteer!

Sa DOLE at DSWD, ipagpatuloy pa ninyo ang mga ganitong klaseng internship at pre-employment programs para sa ating estudyante sa kolehiyo. Malaking tulong ito sa kanila habang sila ay nag-aaral, malaking tulong din sa bansa.

Ngayo'y nagdaratingan na ang mga laptop na laan para sa bawat guro sa public school.

Tiniyak natin na walang anomalya sa pagbili ng mga laptops na ito.

Nakahanda na ang mga high-tech at digital na mga materyales, mga smart TVs, libreng Wi-Fi, at libreng load sa Bayanihan SIM card. Dahil dito, handa na rin ang ating mga estudyante para makasabay sa makabagong paraan ng pag-aaral sa makabagong mundo!

Ang pinakamahalaga sa sistema ng edukasyon ay ang ating mga mahal na guro....

Asahan po ninyo na hindi gagawing sukatan ng galing o ng performance ninyo ang dami lamang ng estudyanteng inyong pinapasa. Kundi, ang dami ng mag-aaral na inyong pinapahusay at pinapataas ang ambisyon sa buhay.

Hindi tayo tumitigil maghanap ng mga paraan upang pagaanin kahit paano ang inyong pasanain sa araw-araw.

Nagdagdag tayo ng animnapung libong teaching item, at nakapagbigay pa ng trabaho para sa ating mga lisensyadong guro.

Tinanggal na natin ang halos isandaang dokumentong kailangan ninyong atupagin noon, na wala namang kinalaman sa inyong pagtuturo.

Gagawin na din nating digital ang mga natitira pang papel na kailangan ninyong asikasuhin. Para puwede na ninyo itong gawin online-diretso na mula sa inyong mga bagong laptop!

At ngayong school year na ito, makakatanggap na kayo ng kabayaran para sa inyong teaching overload at para sa inyong overtime.

Napatunayan na nating mabisa ang Tech-Voc. Kaya, unti-unti nang pinapasok sa Senior High ang TVET ng TESDA.

Ibig sabihin, ang mag-aaral natin, Senior High School pa lamang, makakapili na siya kung Bookkeeping, Agribusiness, Electrical, o Graphic Design ang kanyang napu-pusuang larangan.

Diretso pagka-graduate, puwede na agad mag-hanapbuhay kung gugustuhin, dahil para na rin siyang nakapag-aral sa TESDA at nakakuha ng NC II o NC III.

Kung tutungtong naman sa kolehiyo, nakahanda ang malaking pondo para pangtustos sa libreng pampublikong edukasyon sa kolehiyo. Pati na rin mga subsidies at financial assistance para sa mas higit pang nangangailangang estudyante.

Taon-taon, mahigit dalawang milyong estudyante ang nakakapag-aral ng libreng kolehiyo sa bansa. Mula umpisa ng Administrasyong ito, dinagdagan pa natin ng dalawang daan at animnapung libong estudyante ang nakinabang dito!

Sa susunod na taon, maglalaan pa rin tayo ng halos animnapung bilyong piso para sa libreng edukasyon sa pampublikong kolehiyo at TechVoc.

Dumami din ang nabigyan ng scholarships sa TESDA. Nito lamang 2024, higit pa sa dalawandaang libo ang nadagdag na mga scholarships para sa TechVoc.

Sa mga kasama naman sa Listahanan at 4Ps: itong susunod na tatlong taon, bibigyan natin ng mataas na prayoridad ang mga anak ninyong tutungtong sa kolehiyo.

Kitang-kita natin ang bunga ng mga programang ito. Napakataas ngayon ng bilang ng kabataan nating pumasok sa kolehiyo at sa TESDA. Pilipinas na ang pumapangalawa sa buong ASEAN sa dami ng mga kabataang pumasok sa kolehiyo at sa TechVoc.

Mas marami na rin ang nakakapagtapos.

Kaya mga magulang: sulitin na ninyo ang mga pagkakataong ito! Dahil hangad natin na sa lalong madaling panahon, ang bawat isang pamilyang Pilipino ay mayroong anak na nakapagtapos ng kolehiyo o sa TESDA.

Kung kalidad lang din ang pag-uusapan, hindi nagpapahuli ang mga unibersidad at kolehiyo natin dito sa bansa. Mula sa dalawampu't dalawa noong 2022, ngayon ay isandaan at labing-apat na sa kanila ang kinikilala sa buong mundo!

Animnapu't walo ay public!

At bilang natatanging pagkilala, gagawaran natin ng Presidential Merit Scholarships ang mga high school graduates na makakakuha ng Highest Honors.

Walang humpay nating ipinapatupad ang mga programa sa pagsugpo sa kahirapan at patungkol sa kalusugan at nutrisyon ng mamamayan.

Tuloy-tuloy pa rin ang ating programang 4Ps. Hangad din natin na amyendahan ang batas ng 4Ps upang matiyak na talagang sapat ang panahon para maitaguyod ang mga mahihirap.

Mula nang nagsimula ang Administrasyon, mahigit limang milyong kabahayan ang nagbenepisyo sa conditional cash grants ng 4Ps.

Mas maganda pa ang balita, na sa tatlong taon, halos isa't kalahating milyong pamilya ang gumanda na ang buhay, kaya nakapag-graduate na sa programa ng 4Ps.

Batid nating lahat ang mga kababayan natin na namumuhay sa lansangan. Sila ang pinaka-nangangailangan ng tulong ng pamahalaan.

Sa ating mga LGU, hanapin ninyong lahat sila at ipasok na sila sa 4Ps at sa iba pang mga programa ng DSWD. Para naman maitaguyod natin sila at magsimula na ang kanilang paglakbay tungo sa pag-unlad ng kanilang buhay.

Sa ikalawang taon ng ating Walang Gutom program, mabibigyan ng tulong ang anim na raang libong pinaka-nangangailangang kabahayan sa kanilang nutrisyon. At sa 2027, dadamihan pa natin sa pitong daan at limampung libong kabahayan ang maaabot ng feeding program natin.

Ipinagpapatuloy din ng DSWD at ng DepEd ang feeding programs nila para sa mga daycare centers at pampublikong paaralan, na nakapagbigay ng masustansyang pagkain at gatas sa mahigit tatlo't kalahating milyong mag-aaral sa buong bansa.

Basta't may laman ang tiyan, may laman din ang isipan.

Kaya papalawigin pa natin ang mga programang ito. Sa susunod na taon, sa tulong ng karagdagang isang bilyong pisong pondo, pararamihin pa ng DSWD ang bilang ng mga batang mabibigyan ng masustansyang pagkain.

Sa kabilang banda naman, nakikita natin ang sobrang pagtaas ng timbang ng ating mga kababayang edad dalawampu at pataas. Kaya, sikapin nating maging mas aktibo ang ating pamumuhay araw-araw.

Ipalaganap natin ang pagsasagawa ng mga palaro at mga paliga, mga fun runs at fun walks, pati na mga pa-aerobics at pa-zumba.

Para sa mga LGU, buksan at gawing maaliwalas ang mga park at mga plaza, kung saan makakapag-ensayo ang ating mga mamamayan, bata man o matanda.

Magpatupad tayo ng mga "Car-Free Sundays", tulad ng ginagawa sa ilang lungsod dito sa Metro Manila, sa Baguio, Cebu, Iloilo, at Davao.

Bilang pagsuporta dito, simula ngayon, bubuksan ng Philippine Sports Commission sa publiko ang kanilang mga track and field oval sa Pasig, Maynila, at Baguio, upang makapag-jogging na kayo nang libre.

Magbubuhos tayo ng todo-suporta sa mga palaro at mga atleta sa buong bansa.

Halimbawa, ang Palarong Pambansa, at ang Batang Pinoy Games na gaganapin sa General Santos City ngayong Oktubre.

Bubuo tayo ng bagong pambansang programa sa sports development. Uumpisahan natin ito sa paaralan pa lamang. Ibabalik natin ang mga sports clubs at magsasagawa tayo ng mga palaro at intrams sa lahat ng mga pampublikong paaralan....

Naririyan ang ating PhilSports Commission at PAGCOR upang tiyakin ang patuloy na pagtaguyod at pagsuporta sa ating mga programang pampalakasan at mga atleta sa buong bansa.

Dahil sa mga ito, ang ating kabataan ay maagang namumulat sa isports, humuhusay, at tumataas ang kumpiyansa. Sumusunod sila sa yapak ng ating mga kampeon at world-class na mga atleta: tulad nina Senator Manny Pacquiao, Hidilyn Diaz, Caloy Yulo, Aira Villegas, Nesthy Petecio, EJ Obiena, at Alex Eala; ang paralympians natin na sina Jerrold Mangliwan, Cendy Asusano, Angel Mae Otom, at Ernie Gawilan.

At siyempre, pati pa ang ating unang kampeon sa Asian Winter Games-ang Philippine Men's Curling Team!

Akalain mo nga naman: kahit walang winter sa Pilipinas, napatunayan pa rin natin na kaya nating maging kampeon sa Winter Games!

Kilalanin natin ang mga atleta na umani ng karangalan para sa Pilipinas:

Hindi lamang sila nakapaghatid ng kasiyahan sa buong sambayanan. Pinalakas pa nila ang ating pagmamahal sa bayan, at lalo pang pinatingkad ang dangal ng bawat Pilipino.

Dito sa ating bansa, mahal magkasakit. Mahal ang gamot. Kulang ang pagamutan.

Walang doktor; lalo na sa mga liblib na mga bayan.

Kaya mula nang nagsimula ang Administrasyon, ito ang tinutukan natin, kasama ng edukasyon at pagsugpo sa kahirapan.

Sa loob ng tatlong taon, pinarami natin ang mga pampublikong ospital at specialty centers. Nariyan na rin ang limampu't tatlong BUCAS centers sa tatlumpu't dalawang lalawigan sa bansa. Mayroong libreng check-up, x-ray, lab tests, at iba pa. Ito ay para sa mga agarang serbisyong outpatient na hindi kailangang magpa-confine sa ospital.

Asahan ninyo, marami pa ang ating bubuksan na BUCAS.

At sa kauna-unahang pagkakataon, ang bawat bayan po sa Pilipinas ay mayroon nang doktor. Mayroon nang magiging tagapag-alaga ng kalusugan ng mamamayan sa inyong lugar.

Lahat po tayo ay miyembro ng PhilHealth.

Pinataas at pinaganda na rin natin ang mga benepisyo. Lalo na para sa mga karamdaman na laganap dito sa ating bansa.

Kapag kayo po o ang inyong kapamilya ay may sakit sa puso, huwag po kayong mag-alala. Covered po sa PhilHealth ang pagpapagamot ninyo para sa atake sa puso, open-heart surgery, at heart valve repair o replacement.

At may Cancer Assistance Fund pa po tayo, pandagdag para sa pagpapagamot ng mga cancer patients natin. May pondo rin po para sa bakuna laban sa human papilloma virus na nagiging sanhi ng maraming klase ng kanser.

Para naman sa ibang mga klase ng kanser na hindi sakop ng PhilHealth, mayroon din tayong nilaang isang bilyon at pitong daang milyong piso para pambili ng mga kinakailangang gamot para sa pasyente.

Sa mga nagda-dialysis: Ang sessions ninyo na tatlong beses sa isang linggo, libre na sa buong taon. Libre na rin po pati na ang mga kinakailangang gamot.

Kung kakailanganin man po ng kidney transplant, inakyat na natin ang limit hanggang dalawang milyon at isandaang libong piso mula sa dating anim na raang libong piso. At ngayong taon, covered na rin sa PhilHealth ang mga serbisyo at gamot pagkatapos ng operasyon ng kidney transplant.

Kaya kung kailangan po ninyo talaga ang magpa-transplant, huwag po kayong matakot sa gastos dahil sagot na ng PhilHealth.

At kung magkakasakit ng malubhang dengue ang inyong anak, itinaas po natin sa apatnapu't pitong libong piso ang sagot ng PhilHealth. Ang pagpapatanggal ng katarata ay inakyat na rin natin ang limit sa isandaan walumpu't pitong libong piso mula labing-anim na libo.

Pati mga sari-saring serbisyong outpatient, kasama rin po ngayon sa PhilHealth. Kapag may kailangan kayong dalhin sa emergency, huwag po kayong mag-atubiling itakbo sa ospital. Covered na 'yan ng PhilHealth.

Kapag lumabo ang mata ng inyong anak, at kailangang magpasukat ng grado-pati na rin ang pagpapagamot nila laban sa malnutrisyon ito ay covered na rin po ng PhilHealth.

At para sa mga PWD, sakop na rin ng PhilHealth ang inyong therapy at rehabilitasyon, pati na rin ang mahahalagang kagamitang pangsuporta para sa inyo.

Pinabibilis pa natin ang proseso ng pagbabayad ng PhilHealth sa mga ospital at mga klinika, para naman siguradong maayos at hindi naaantala ang kanilang serbisyo sa mga pasyente.

Maasahan pa rin ng mga pasyente ang Medical Assistance Program kung kulang ang pambayad sa ospital. Mula pumasok ang Administrasyong ito, nakapaghatid ito ng tulong sa higit labing-isa't kalahating milyong Pilipino.

Higit sa lahat, padadaliin pa natin ang proseso ng medical assistance dahil ipapasok na natin ito sa ating eGov app.

Mga kababayan: asahan po ninyo, ginagawa nating lahat para matulungan kayo na makapagpagaling at lumakas.

Ngunit batid natin ang mga realidad sa mga pampublikong ospital. Kanya-kanya ng bili ng medical supplies; kanya-kanyang lakad ng medical assistance para sa bill na hindi kayang bayaran.

Kaya, sa lahat ng aking binanggit na mga haligi na naitaguyod na natin-

Ang bahaging sasagutin ng PhilHealth;

Ang sari-saring pondo ng pamahalaan para sa medical assistance, kagaya ng MA-I-FIP, PCSO, at PAGCOR;

Asahan ninyo, magpapatuloy ang malawakang programang pang-imprastraktura ng Administrasyon.

Ang mga naglalakihang proyekto ay nakalatag na sa buong kapuluan. Mga daan, tulay, tren, paliparan, pantalan, patubig, at murang pabahay.

Ilan dito, matatapos ngayong Administrasyon. Ang iba naman, makukumpleto at mararamdaman ang dalang ginhawa pagkatapos na ng aking termino.

Nagpupundar kasi tayo para sa kinabukasan. We are not building only for today, but we are building for tomorrow.

Habang ginagawa ang ating mga tren tulad ng North-South Commuter Railway at ang Subway, patuloy din ang pagpapaganda natin sa serbisyo ng MRT at LRT.

Ang dating dalawampung porsyentong diskuwento sa LRT at MRT para sa mga PWDs, seniors, at estudyante, ay itinaas natin sa limampung porsyento.

May 1+3 Pamilya Pass din tayo tuwing Linggo, para naman may konti pang matitipid ang pamilya sa kanilang pamamasyal at pagsimba.

Ang tinatawag na Dalian na mga tren, na binili noon pang 2014 at hindi pa nagamit, ay sinimulan na nating mapagana at mapatakbo sa MRT..

Halos singkwentang dagdag na karwahe ang natengga nang sampung taon.

Sayang ang pera.

Sayang ang isang dekada.

Pero ngayon, naayos na natin. Ang tatlong bagon ay nagagamit na ngayon. Asahan ninyo, ang ilan sa apatnapu't lima ay magagamit na rin natin bago matapos ang taong ito; at ang iba ay sa susunod na taon naman.

Naalala ba ninyo 'yung tinatawag "Love Bus"? Ito 'yung popular na pampublikong bus sa Metro Manila na sinimulan noong 1970s.

Ngayon, hindi lang natin ibabalik ang Love Bus, ito ay gagawin pa nating libre. Pauna pa lamang 'yung sa Davao at sa Cebu. Susundan pa ito sa iba pang lugar sa Visayas at Mindanao.

Bago matapos ang taon, magsisimula na ang Bataan-Cavite Interlink Bridge. Ang tulay na ito ay tatlumpu't dalawang kilometro ang haba, at tatawid ng Manila Bay.

Kung ang biyahe ngayon mula Mariveles hanggang Naic ay umaabot nang limang oras, balang araw ito ay magiging apatnapu't limang minuto na lamang.

Ang mga riles ng PNR Bicol Line na sinira ng bagyong Kristine ay unti-unting pinatibay at naa-ayos na, kasama na ang Binahan Bridge. Hindi magtatagal, madadagdagan pa ang haba ng linya nito, at aabot na sa Ragay, Camarines Sur hanggang Tagkawayan, Quezon. Malaking tulong ito sa mga motoristang nagdadaan sa malubhang trapik mula Quezon hanggang Bicol....

Sa 2026, inaasahang magbubukas na sa motorista ang bahagi ng extension ng S-LEX mula Sto. Tomas, Batangas hanggang Tiaong, Quezon. Kapag natapos ang buong proyekto, ang dating apat na oras na biyahe, magiging isang oras na lamang.

Kaya ina-atasan ko ang DOTr at DPWH na bantayang mabuti ang mga proyekto sa kahabaan ng Quezon patulak ng Bicol, at tiyaking tama ang kalidad, matibay, at nasa takdang oras ng pagtatapos.

Ang Nalil-Sikkiat Bridge, na una sa tatlong mahahalagang tulay na ginagawa ngayon sa Tawi-Tawi, ay nabuksan na. Sa susunod na taon, ang tulay sa Malassa-Lupa Pula naman ang matatapos.

Higit sa lahat, kung may Luzon Spine Expressway Network program, mayroon ding Mindanao Transport Connectivity Improvement Project.

Sa proyektong ito, aayusin natin ang mga pangunahing daan na nag-uugnay sa Cagayan de Oro, Davao, at General Santos, na may haba na apat na raan at dalawampu't walong kilometro.

Ang rehabilitasyon din ng Tulay ng Guadalupe ay sukdulan na ring kailangan. Nasa Senado pa lamang ako, pinag-uusapan na ito. Hindi ko na papayagang tumawid pa ito ng isa pang Administrasyon. Kaligtasan na ng publiko ang nakataya.

Hindi po isasara ang Guadalupe Bridge. Gagawa muna tayo ng detour bridge sa magkabilang gilid bilang pansamantalang daanan. Kapag nagawa na at binuksan na ang detour bridge, doon pa lamang sisimulan ang trabaho sa main bridge.

At sa kabila ng mga higanteng tulay na ito, huwag nating kaliligtaan ang mga hanging bridge sa iba't ibang lugar sa ating bansa.

Mahalaga ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay ng publiko, lalo na sa mga guro at estudyante.

Ilan ang nabalitaan kong insidente ng pagbagsak ng mga tulay na ganito. Halimbawa, iyong nangyari sa Midsalip, Zamboanga del Sur, at sa iba pang mga lugar. Kawawa naman ang mga kababayan nating walang kamalay-malay na nabiktima at nasaktan, na pawang mga batang mag-aaral at kanilang mga guro.

Sa DILG, DPWH, at sa OPAPRU, puntahan ninyong lahat ang mga ito at suriin mabuti ang kundisyon. Sa tulong ng PAMANA at iba pang mga programa, ayusin at kumpunihin natin agad.

Sa mga proyekto, hindi natin papayagan at palalampasin ang mga katiwalian sa pangangasiwa;

Ang kapalpakan sa pagdisenyo at sa pagkakagawa;

Ang mababang kalidad at marupok na mga materyales;

Ang pagka-antala ng proyekto; at ang kapabayaan sa tamang pagmentina at pagkumpuni.

Halimbawa, ang Cabagan-Sta. Maria bridge sa Isabela na sinimulan noong 2014.

Ginastusan ng taumbayan ng isang bilyon. Sampung taong tinayo. Nang buksan, ilang araw pa lang, giba na agad.

Ang mahal.

Ang tagal ginawa.

Ang bilis nasira.

Ang San Juanico bridge naman: limampung taon na, nakatayo pa rin hanggang ngayon.

Ganoon siya katibay. Ngunit nakaligtaan naman ang wastong pagmentina at pagkumpuni sa pagdaan ng mga dekada. Nalagay pa tuloy sa panganib ang publiko.

Hindi dapat ganito.

Sa Build Better More, higit ang kapakanan at kaligtasan ng mamamayan.

Ang mga proyekto, tama dapat ang disenyo.

Mataas dapat ang kalidad.

Natatapos dapat sa takdang oras.

At naaalagaan at namementinang mabuti.

Napakahalaga ng internet sa ating pagtahak patungo sa Bagong Pilipinas.

Kaya nitong padaliin at baguhin ang pamumuhay ng ating mga mamamayan. Hindi lang ito para sa may kaya, o para lamang sa mga bata. Ito ay para sa lahat.

Natapos na ang Phases 1, 2, 3 ng ating National Fiber Backbone project, na magpapalakas at magpapabilis sa ating internet.

Kasabay nito, patuloy pa nating pinalalawig ang libreng Wi-Fi sa buong bansa.

Noong Hunyo 2022, mga apat na libong Free Wi-Fi sites lang ang mayroon tayo.

Ngayon, halos labingsiyam na libo na ang Free Wi-Fi sites sa buong bansa!

Ngayong taon din, nagsimula na tayong mamigay ng mahigit isang milyong SIM cards na may libreng data para sa ating mga eskuwelahan, lalo na sa mga liblib na pook. At dahil pinaganda at pinabilis natin, dadami pa ang mga bagong torre at cellsites sa mga GIDAS.

Ngunit kulang pa rin ang mga ito.

Halos labindalawang libong pampublikong paaralan pa ang walang internet. Kaya sinisiguro ng DICT at DepEd na bago matapos ang taong ito, magkakaroon na ng koneksyon sa internet ang lahat ng pampublikong paaralan.

Mula nang ilunsad ito noong 2023, ang eGov app ay nagana, nagagamit, at napapakinabangan na ng taumbayan. Patuloy pang dumarami ang serbisyong tiyak na praktikal sa bawat Pilipino. Ngayon, mahigit apatnapung serbisyo ng pamahalaan, kasama na ang mga LGUs, ang nasa eGov app.

Gamit ang app, maaari nang gawin at ayusin ang sari-saring mga serbisyo at proseso ng pamahalaan na dati ay pinipilahan pa natin...

Ang renewal ng driver's license;

Para sa PhilHealth, Pag-IBIG, pati na GSIS;

Para sa mga dokumentong kailangan ng OFWs;

Immigration at customs declaration sa airport;

Kahit paggawa ng bio-data hanggang paghahanap ng trabaho;

Mga government IDs natin, kasama ang ating National ID;

At marami pang iba.

Hindi magtatagal, magkakaroon na rin para sa:

NBI Clearance;

BEEP card para sa MRT at LRT;

At eTIN ng BIR.

Kaya i-download n'yo na po ang eGov app. Sa pinagsama-samang serbisyo sa isang mobile app, ang pamahalaan ay talagang mas malapit na, at nasa inyo nang mga kamay.

Sa LTO, alam kong tapos n'yo na ang paghahabol sa paggawa ng mga plaka ng motor na nabinbin mula pa noong 2014. Labing-isang taon. Mula ngayon, gawin ninyo ang lahat ng makakaya upang hindi na uli magkaroon ng backlog sa plaka.

Dahil kailangang bumawi sa publiko, tiyakin din ninyo na mailalabas na ang rehistro at ang plaka ng bagong sasakyan sa loob ng naipangako ninyong tatlong araw.

Ang kapayapaan ay mahalagang pundasyon ng Bagong Pilipinas, kaya pinapatatag natin ito kasabay ng ating pag-unlad.

Patuloy tayo sa pagpapatibay ng ating Kapulisan at Sandatahang Lakas. Ang mga armamento, sasakyang pandigma, at sandata ng ating Kapulisan at Sandatahang Lakas ay patuloy na nadaragdagan, angkop sa layuning modernisasyon at komprehensibong pagtatanggol ng ating mga kapuluan.

Ang libo-libong mga nag-alsa dati laban sa pamahalaan, na nagbagong-buhay at nagbalik-loob na, ay tinataguyod natin kasama ang kanilang pamilya. Katuwang ang pribadong sektor, pina-uunlad din natin ang kanilang pamayanan, at naglalatag tayo ng mga daan, patubig, at marangal na hanapbuhay.

Bukod sa mga programang panghanapbuhay, nagpagawa tayo ng mga health stations, silid-aralan, water systems, at streetlights, na ngayo'y napakikinabangan ng mahigit labintatlong milyong Pilipino na nailigtas mula sa kaguluhan.

At sa wakas, wala na ring nalalabing grupong gerilya sa bansa, at titiyakin ng pamahalaan na wala nang mabubuo muli.

Magkakasangga ngayon ang AFP, PNP, at mga dating rebelde sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa BARMM.

Kaya naman, ang lipunan natin ngayon ay mas mapayapa. Mas mapangalaga rin sa karapatang-pantao, anuman ang edad, kasarian, kundisyon, o pangkat....

Ngunit, kahit pa sinasabing bumababa ang antas ng krimen sa bansa, walang ibang magpapalubag ng pangamba at pagkabahala, lalo na sa mga naging biktima mismo ng kriminalidad.

Kaya, ang puwersa ng ating Kapulisan ay nagbabantay at rumuronda para nararamdaman ng taumbayan. Sila ay re-responde sa tawag ng tungkulin sa loob lamang ng limang minuto.

Nagtutulungan ang buong pamahalaan para lutasin ang mga kaso ng mga nawawala dahil sa walang pakundangang kagagawan ng mga sindikato sa likod ng madilim na mundo ng mga sabungan.

Hahabulin at pananagutin natin ang mga utak at mga sangkot, sibilyan man o opisyal.

Kahit malakas, mabigat, o mayaman, hindi sila mangi-ngibabaw sa batas.

Higit sa lahat, ipaparamdam natin sa mga salarin ang bigat ng parusa sa karumal-dumal na krimen na mga ito.

Sa mga isinagawang pagsakote sa mga bodega't laboratoryo, at tangkang pagpasok, halos walumpu't tatlong bilyong pisong halaga ng droga ang nakumpiska.

Kamakailan lamang, may mga malalaking kargamento na nagkakahalaga ng bilyon-bilyon ang nasabat natin sa Zambales, Pangasinan, Cagayan, Tondo, Muntinlupa, Ilocos Sur, Ilocos Norte, Cebu, Batangas, Rizal at Cavite.

Noong isang buwan, personal kong sinaksihan ang pagsira sa halos isa't kalahating tonelada ng shabu at iba't ibang klase ng iligal na droga.

Sa lahat ng mga operasyong ito, mahigit isandaan at limampung libo ang naaresto. Mahigit siyam na libo at anim na raan sa kanila ay high-value targets.

Ang pinakamasaklap, mahigit anim na raan at pitumpu't pito sa kanila ay kawani ng pamahalaan: mahigit isandaan ay halal na opisyal; ang mahigit limampu ay pulis.

Sa tatlong taon lamang, halos mapantayan na ang kabuuang huli noong nakaraang Administrasyon.

Sa kabila ng mga ito, tila nagbabalikan daw ang mga pusher.

Kaya, patuloy ang ating mga operasyon laban sa mga drug dealer, big-time man o small-time.

Ngayon, masasabi natin na mataas ang tingin ng buong mundo sa Pilipinas.

Maayos, patas, at mahinahon tayong nakikitungo sa iba't ibang mga bansa. Tumutupad din tayo sa ating mga kasunduan, at sa mga batas at panuntunan ng pandaigdigang komunidad.

Nagpapasalamat tayo sa ating magigiting na mga OFW. Dahil sa kanila, naipamamalas ang angking galing, kabutihan, at puso ng Pilipino-sa lahat ng sulok ng daigdig.

Sa harap ng mga bagong banta sa ating kapayapaan at soberanya, mas maigting ngayon ang ating paghahanda, pagmamatyag, at pagtatanggol sa ating sarili.

Gayumpaman, tayo pa rin ay nagtitimpi at nananatiling mapagpasensya, lalo na sa pagtanod sa ating buong kapuluan at sa pangangalaga sa ating interes.

Subalit ngayon, mas mataas pa ang ating kumpiyansa dahil mas marami tayong mga kasangga, na magiging kabalikat natin sa oras ng matinding pangangailangan!

Then as now, our foreign policy remains the same: the Philippines is a friend to all. The Philippines is an enemy to none.

That will be our main focus as we host the ASEAN Summit in 2026.

Para sa ating mga Pilipino: malayo man, malapit din.

Kasing-sidhi ang paglngap natin sa ating mga kababayang nasa ibang bansa, lalo na ang nasa panganib at nagdaraan sa matinding pagsubok.

Hindi biro at sadyang mapanganib ang hanapbuhay ng ating mga tripulante. Ang trahedya na sinapit nila sa kamay ng mga rebeldeng Houthi ay isang halimbawa.

Matapos ang mahigit apat na raang araw, ang mga kababayan nating binihag ng mga rebeldeng Houthi ay pinalaya na, dala ng ating pakikipagtulungan sa Oman.

Gayundin, dahil sa ating masigasig na pakikipag-ugnayan, sa loob ng tatlong taon, nagawaran ng kapatawaran ang mahigit anim na raang kababayan nating nahatulan, dahil sa sari-saring paglabag sa batas sa ibang bansa, lalo na sa UAE, Qatar, Bahrain, at iba pa.

For their crucial and most beneficent sovereign interventions, I personally convey our entire nation's sincerest gratitude to the Sultanate of Oman, the United Arab Emirates, the State of Qatar, the Kingdom of Bahrain, the State of Kuwait, and to all the leaders of various countries that have granted clemency and shown kindness to our beleaguered compatriots.

Masigasig din ang ating paghahanda at pagmamatyag laban sa banta ng sakuna at kalamidad, lalo na sa bagong normal ng nagbagong klima at bugso ng panahon.

Ngayong Hulyo lang, apat na bagyo na ang dumaan. Sabi ng PAGASA, mga labing-dalawa pa ang nagbabantang papasok sa bansa hanggang Disyembre.

Sa dalawampu't apat nating aktibong bulkan sa bansa, apat ang kasalukuyang nag-a-alboroto, lalo na ang Kanlaon sa Negros Island.

Hindi tayo dapat tumigil sa ating mga ginagawang paghahanda, dahil ang banta ay patuloy na naririyan. Dapat ay maging likas at "automatic na" ang mga wastong gawi sa tuwing may sakuna.

Dahil sunod-sunod ang mga sakuna, lalo na ang bagyo, mahalagang itanim ang prinsipyo ng continuous improvement, kung saan tayo ay natututo at palaging humuhusay sa bawat karanasan. Nareremdyuhan kung saan tayo nagkulang, at saan natin dapat galingan pa.

Kasama ng mga mahahalagang imprastraktura, dadagdagan pa natin ang mga makabagong evacuation centers na ating naipatayo na. Hindi na dapat pang gamitin bilang evacuation centers ang ating mga paaralan!

Ginagamit natin ngayon ang mga makabagong teknolohiya lalo na sa maaga at mabisang prediksyon. Mga doppler radar, broadband seismic stations, at landslide sensor systems ng PAGASA at PHIVOLCS, sa iba't ibang lugar sa bansa.

Sa epektibong pagsasaklolo, nakakatulong na ang Mobile Command and Control Vehicles o "MOCCOV" ng DOST, na ipinamahagi sa labing-isang LGUs sa bansa.

At sa ating mga kababayan: hindi magtatagumpay ang anumang paghahanda natin kung wala ang tulong ninyo.

Hiling din namin ang inyong kooperasyon, disiplina, pagmamatyag, at bayanihan bilang responsableng mamamayan—

Kooperasyon sa mga malawakang ensayo, pagsunod sa mga babala at tagubilin, tulad ng agarang pag-likas at pag-iwas sa mga "danger zones";

Disiplina, lalo na sa wastong pagtapon ng basura;

Pagmamatyag sa bawat oras, bawat araw: lalo na kapag may nagbabadyang hagupit ng panahon-sa pag-alam sa malapit na evacuation centers, pakikinig sa totoong balita, at pagtalima sa mga alituntunin ng pamahalaan.

Higit sa lahat, bayanihan sa pagdadamayan at pagtutulungan, lalo na sa mga nasalanta nating kapwa....

Mahirap man, kailangan natin itong gawin. Kailangan nating magsakripisyo upang masiguro na nailalayo natin sa kapahamakan ang ating mamamayan. Dahil mahalaga ang buhay ng bawat Pilipino.

Mga kababayan, sa paghantong natin sa kalahati ng termino ng Administrasyon, susuok tayo sa susunod na tatlong taon, dala-dala sa aking puso ang mga leksyon na natutunan ko mismo mula sa inyo.

Ito ang magbibigay sa akin ng bago at pinag-ibayong gana sa trabaho, sigla sa serbisyo, at dedikasyon sa Pilipino.

Huwag nating hayaang malihis ang ating pagtuon at pagtahak sa landas ng kaunlaran, dahil nasa abot-tanaw na natin ito.

Ito ang dapat nating patunguhan. At kayang-kaya natin itong marating at maisakatuparan.

Sa wika ng ating bayani:

"Only he, who, from whatever position he occupies, whether high or low, strives for the greatest good possible for his fellowmen, possesses true patriotism."

Alam po natin sa ating puso kung ano ang tama at ano ang mali. Kung ano ang mas mahalaga at mas makabubuti sa sarili, sa pamilya, at sa ating bayan.

Sa mga matitinding hamon na binabato at hinaharang ng ating mundo ngayon, nasa likod ninyo ang pamahalaan.

Huwag tayong matatakot. Huwag tayong titiklop. Huwag tayong mawawalan ng pag-asa.

Dahil ang Pilipino ay likas na matapang, magaling, masipag, matibay, at mabuti.

Tayo ito. Tayo ang Bagong Pilipino.

Mabuhay po kayo!

Maraming salamat at magandang gabi sa inyong lahat!

SONA Updates

The Summit Express updates this page for President Marcos' fourth SONA. Follow us on our social media channels for real-time information.

— The Summit Express

EXPRESS YOUR THOUGHTS

0 Comments

Post a Comment (0)